Sunday, April 25, 2010

Kinse na Kami!

Kinakabahan ako kagabi. Akala ko, walang dadating. Paano naman, als-8 na ng gabi, mangilan-ngilan pa lang kami. Tahimik na kong nagdasal at sinabi sa sarili kong, kung mabigo man akong pagsama-samahin ang mga kaibigan ko, sana matanggap ko ito.

Pero makaraan ang ilang minuto, nagkita-kita nang muli ang mga magkakaibigan. Umingay na sa tawanan at kwentuhan ang lugar. Kabi-kabila na nag nag- "picture, picture" at napabuntung-hininga na lang ako dahil alam ko, magiging masaya ang gabing ito.

Sa gitna ng kasiyahan, tahimik kong minasdan ang mga kaklase ko. Ang bilis ng panahon! Lahat kami, lagpas trenta na. At habang tinititigan ko ang bawat isa sa kanila, naisip ko, akalain mo yun. Noon, para lang kaming mga tanga. Ngayon, mukha pa rin kaming tanga. hehehe

Lahat kami, marami nang pinagdaanan sa buhay. Pare-parehong nakipaglaban sa mga pagsubok. Nakaranas na kaming lahat ng kabiguan at maging ng tagumpay. Dahil pinili naming ipagpatuloy ang laban, bawat araw ay pakikipagsapalaran. Ang iba sa amin, may mga paghihirap na pinagdaraanan sa kasalukuyan, ang iba naman, marahil ay kuntento na sa kung anong meron sila. Pero ngayong gabi, kinalimutan muna namin kung sino kami ngayon. Parang pare-pareho kaming bumalik sa panahong wala kaming iniisip kundi kung paano papasa, paano mangongopya, paano tatakas sa klase, paano mapapansin ng crush, paano didiskarte sa nililigawan.

Ngayon ko lang na-realize, ang simple pala ng buhay noon. Pero bakit parang napakakomplikado na para sa amin. Noon, big deal lahat. Umiiyak na ang iba sa isang mababang grade (na kung tutuusin ay hindi naman bagsak). Nagwawala na ang iba sa pang-aasar ng mga kaibigan (e hindi naman yun repleksyon ng pagkatao nila). Ibayong paghihirap para sa marami kapag hindi napansin ng crush nila (hindi naman sila!). Totoo nga ang sabi, "youth is wasted on the young." Kung alam sana namin na simple lang ang buhay noon, sana mas madami kaming nagawang mas mabuti noon.

Pero matatanda na kami, marami na kaming natutunan sa buhay. Nakakatuwa na lang isipin ang nakaraan. Ang saya-saya ko kagabi. Ngayon pag naaalala ko, napapangiti pa rin ako. Yun nga lang, hindi ko pa rin maiwasang malungkot. Kasi mas masaya sana, kung nandito si Ted. Sayang.

Kaninang madaling araw, nilapitan ako ni Jong. Sabi nya, nalulungkot daw sya dahil kanina lang magkakasama kami tapos ngayon, hiwa-hiwalay na naman. Hindi ko sya masyadong maintindihan kanina, siguro dahil masakit na ang ulo ko sa kalasingan at antok. Pero ngayon, nakuha ko na.

Masaya ako dahil nagsama-sama kami. Parang magic ang bawat pagkikita, parang hindi maubos ang tawa at kwentuhan. Tapos, pagkalipas ng ilang oras, tapos na. Hindi mo alam kung kailan ulit, kung paano ulit. Gusto mo sana bukas ulit, pero alam mong hindi naman pwede.

Gusto ko man ang idea na buwan buwan magkikita kaming lahat, hindi na rin pwede. Lahat kami, may kanya-kanya nang buhay. Ang iba, may pamilyang dapat bigyan ng panahon. May iba naman, hindi makawala sa trabaho. Isa pa, ayoko rin naman na magkasawaan kami. Mas nakakatuwa at nakakasabik ang matagal na hindi pagkikita.

Sa ngayon, pahinga muna ko sa reunion. Nagbunga ang pagod na ginugol naming lahat. Pero, katawan ko ang sumusuko. Isa pa, gusto ko rin sana na sa susunod na pagkikita-kita namin, mas mabuting tao na ako.

No comments:

Post a Comment